Nang si Eva ay naging si Adan
Kung babaliktarin ang mundo ng isang araw at magkakaroon ako ng pagkakataon na maging isang Adan, wari ko’y ginagabihan pa lamang ay isinusulat ko na sa kapirasong papel ang mga nais kong gawin. Maaring ang una sa listahan ko ay ang magsalita tulad ni Adan upang pag bumalik ako sa pagiging Eva, tanda ko na at basa ko na, nasa likod ng mga akala mong balewalang mga salita ay nagkukubli ang milyong milyong salita na may iba’t iba pa lang pakahulugan. Pangaalawa ay ang umibig tulad ni Adan, upang sa gayon ay maintindihan, nasa likod ng kanilang magarbong panunuyo sa sinisintang irog ay may isang pagod na katawan upang magawa lamang ang supresang hinahangad ng kani-kanilang prinsesang hinahangad. Pangatlo, ang masaktan tulad ni Adan ng sa gayon ay maunawaan na sa kabila ng kanilang halakhak ay may luhang pumapatak pag humalik na sa sistema ang tama ng alak.
Magka-gayon man, alam ko na sa dinami-drami ng maaaring ilista sa kapirasong papel isa lang naman talaga ang nais maranasan ng isang Eva na magiging Adan. Iyon ay ang di mabastos ng dahil sa kanilang suot o masipulan ng mga hagok sa laman na mga kalalakihan kahit isang araw man lang.
Comments
Post a Comment