Story of the Week: # AminanMonday

 Nagsimula ang araw na patuloy ang pagpatak ng ulan, naghintay ng anunsyo ng pagkakansela, ngunit hindi ito tinugon tulad ng kagustuhan nila. Binaybay ang daan papunta sa eskwela suot ang medyo basang uniforme buhat ng ulan. Habang tangay ng isang kamay ang payong na nagsisilbing pananggala . Muntik hindi makakain ng pananghalian pagkat baka mahuli sa susunod na apat ng oras na klase. Hinintay ang pagdating ng guro, pumatak ng ilang segundo at minuto hanggang sa may lumabas sa aming laboratoryo, sya na pala ang kanina pa namin hinihitay si Ser Mong. Kinukusot kusot pa ang kanyang mga mata tila kakagaling sa isang maikling pagkakahimbing habang hinihintay rin marahil ang aming pagdating. Di na namin alintana ang bagay na iyon pagkat naiintindihan rin naming ang kanyang sitwasyon. Marahil napuyat sya sa pagchecheck ng pagsusulit ng kanyang mga itinuturing na mga anak. Naghintay pa ng ilang sandali at nagsimula na ang aming klase, nagkaroon ng isang maikling pagsusulit at sa awa Diyos nakapasa naman kami. Nagkaroon ng ilang minutong break, bumili ng pagkain, bumalik sa silid at maya-maya ay nagpabili si Ser Mong ng fishball at kikiam sa mga kaklase kong lalaki. Namayani ang pagtataka tila ang tagal ng pagdating nila, lagi na lang bang maghihintay? Hanggang maya-maya dumating rin sila humahangos na tila may humahabol sa kanila. Pagkatapos ng senaryong yaon, nagkanya-kanyang pwesto ang aking mga kamag-aral gayundin ako sa mahabang mesa. Nagsimula ang pagkain ng lahat, hanggang sa binasag ni Ser Mong ang katahimikan ng tanong sa aking kamag aral na “ Nagka-girlfriend ka na ?” himig ng panunukso ang maririnig ngunit walang magagawa kundi ang umamin, ngunit ang tanging naging sagot ay pag-iling. Sinundan ng tanong “Pero may nagugustuhan ka?”sa pagkakataon na ito hindi na iling ang kanyang sagot bagkus ay titig sa babaeng isinisigaw ng kanyang puso. Lalo lamang nagkaroon ng tono ang himig ng panunukso, akala ng lahat doon na magtatapos ang mga pagdaan ng mga tanong ngunit hindi pala doon nagtatapos. Nasundan pa ng “Paano kayo nagsimula?” umusbong ang kilig ng tanong na iyon, bakas ang pagpula ng pisnge ngunit tulad ng nauna , wala silang nagawa kundi ang umamin. Isinalaysay ng magkapareha ang bawat detalye kung paano sila nagsimula, mga detalyeng hindi alam ng lahat. Pagkatapos nasundan pa ng “May nanliligaw sayo?” hagalpak ng tawa ang naging sagot ng lahat. Pero tulad ng mga nauna sa kanya, wala rin syang nagawa kundi ang umamin, pagkasuka ang mababakas sa kanyang mukha imbes na kilig marahil ay hindi nya nakagawian ang bagay na iyon. Akala ko ay makakatakas na ko sa pagragasa ng mga tanong ngunit hindi pala “Ano bang nakita mo kay ******?” natuptop ang aking mga labi sa tanong na iyon, tanging pagngiti na lamang ang aking naging tugon. Marami pang tanong ang naitanong, marami pang pag-amin ang dumaan ngunit nagtapos din ang lahat. Kailangan pa rin pala na magklase tulad ng nakagawian , nangyari ang lahat ng aminan ng Lunes ng hapon ng hindi namin inaasahan.


Comments

Popular posts from this blog

My Alma Mater: Tanza National Comprehensive High School

Reflection: Demo Teaching Part II